Tumunganga sa mga maliliit na taong nag-uusap sa loob ng kahon. Humiga sa isang parisukat na kama at magkunwari ng patay. Iyan ang ginawa ko buong araw. Ay, may isa pa pala..magmuni.
Hindi ko mahintulutan tigilan ang sarili sa pagmumuni. Magmuni, ukol sa serye ng mga hindi ninanais na aksyon at pangyayari sa lumipas na mga araw na ito.
Kaya ngayon kaibigan, nahikayat ako muling magsulat. Mailagay sa mga konkretong mga salita ang abstraktong emosyon ng pagiging isang tao.
Naiinis. Nalulungkot. Nanghihina.
Matapos gawin ang hindi mababawing kasalanan. Ang PAGTAPOS ng isang aksyon hindi mababalikan. Doon lamang magwawasto ang utak. Magwawasto upang makita ang malinaw na kontrobersya ng dalawa pang abstraktong ideya na tinatawag nating “tama” at “mali.”
Ang pagiging isang taong komang ay hindi biro. Hindi naman nangangailangan ang pagputol ng dalawang kamay upang mabansagan ka bilang tulad nila. Aking napagmunihan na maaari itong humigit sa kinaloobang depinisyon. Ang taong walang kapangyarihan sa mga aksyon dinidikta ng kaniyang katawan ay mistulang gagawin kong kapwa ko.
Oo, kaibigan. Hindi mo ba nakikita ang mga putol kong braso? Ang mga kamay kong gumagala sa mga nais niyang pagdaratnan.
Ikaw ba nais mo bang putulin ko yung sa iyo?
Ayan..Tapos na.



